Friday, May 5, 2017

Ang Tradisyon Sa Tagay At Talinghaga

Ni OMAR KHALID

(Papel nga gipaambit atol sa “Pambansang Kumperensiya sa Wika at Panitikang Sebwano” nga gipahigayon didto sa Gansenwinkel Hall sa University of San Carlos niadtong Abril 25-27, 2016 diin gipasidan-an ang mga mamumulong sa paggamit sa pinulongang Filipino bisan anaa ang komperensiya sa kinapusoran sa Sugbo.)

[Paksa: Ang Panitikang Sebuwano At Ang Pagbuo Ng Panitikang Pambansa]

I. Panimula:

DALAWA ang susing salita ng paksang tatalakayin ko: una, ang Panitikang Sugboanon at ang Panitikang Pambansa. Madaling tukuyin kung ano ang Panitikang Sugboanon lalo na sa isang tulad ko na matagal nang nagsanay sumulat at sumalat ng mga talinghaga sa sariling wika; o kaya’y magbasa ng kung ano-anong akda na nailimbag sa wika kong kinagisnan. Ang Panitikang Sugboanon, sa kabuuan, ay ang kolektibong panitikan na naglalarawan ng karanasan, ambisyon, at imahinasyon ng mga Sugboanon sa iba’t ibang panahon o yugto ng kasaysayan. Kung susuriin, gaya ng ibang mga kultura sa Pilipinas, napakahaba na ng tradisyon ng Panitikang Sugboanon sa sinubok ng iba’t ibang salik. Naikintal ang karanasang ito sa mga dula, kwento, sanaysay, tula, awit at maging sa mga sinaunang anyo ng panitikan gaya ng tigmo, berso-berso, garay, at iba pa. Sa madaling salita, mayaman ang baul ng kasaysayang pampanitikan ng liping Sugboanon.

Samu’t sari ang anyo nito, tema, powetika at politika, estilo o estruktura na kung pag-uusapan natin lahat ay baka kakapusin tayo ng panahon at espayo at baka maabutan tayo ng Ikalawang Pagbabalik ni Kristo.

Ngunit itong Panitikang Pambansa, malabo ito sa huwisyo ko at siguro hindi ko ito masyadong naintindihan. Ang mga salitang “bansa” at “pambansa” ay napakapulitikal na usapin. At kung bakit ang panitikan ay kailangan pang lagyan ng tatak, para ihanay sa kungsaan dapat ihanay, hindi ko rin maintindihan.

Sa totoo lang, hindi ko ito masyadong pinag-ukulan ng panahon para pag-isipan dahil nagsusulat naman ako para sa kababayang Sugboanon. Wala akong matayog na kaalaman para talakayin ang bagay na ito. Hindi ko na inambisyon iyon. Pero bilang isang manunulat, napagtanto ko na ang pagpili rin pala ng wikang gagamitin sa pagsusulat ay isang uri ng political statement. May dahilan kung bakit karamihan sa mga Sugboanon ay napaka-faithful sa wikang kanilang kinagisnan. Isa na ako rito. Paminsan-minsan, sumusulat din ako ng Tagalog at Ingles dahil kagaya ng iba, produkto rin ako ng sistema ng ating edukasyon kungsaan karamihan nito ay halaw sa kanluraning mga ideya. Pero mas tumatayo ang balahibo ko kung sa sariling wika ako kumatha, nanginginig ako, tumitibok ang puso ko, mas dama ko ang “gihigugma ko ikaw” kaysa “i love you”. Dahil alam ko, sa bawat salita na ileletra ko, nakikipagkonek ako sa aking mga ninuno na siyang unang gumamit ng wikang ito. Napakasarap bigkasin at sulatin ng wikang kinagisnan dahil alam mong pinagtagni-tagni nito ang mga henerasyon ng iyong tribu. Para sa akin, ang wikang Binisayang Sinugboanon ang last frontier ng tribung kinabibilangan ko. At least, totoo ako dito.

Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Panitikang Pambasa? At bakit kailangan itong bubuuin?

Imbes na kasagutan ang aking matuklasan, mas dumarami ang natuklasan kong katanungan. Una, sa anong wika ba susulatin at babasahin natin ang Panitikang Pambansa? Pangawala, ano ba ang katangian ng isang panitikan upang ligtas nating sabihin na ito’y tumatalakay sa pambansang ideyalismo at mga adhikain? At sinong mga impakto, diwata o anito ang may responsabilidad na sulatin ito? Sa kabilang dako naman, kung babansagan kang rehiyunal na manunulat o akdang pangrehiyunal lang ang binabasa mo, mas baduy ka ba o mas maliit ka kumpara sa mga nagsusulat at nagbabasa ng “pambansang panitikan”? Mas mahina ka bang klaseng manunulat kung hindi ka nagsusulat ng mga ideyang pambansa, kung mayroon mang ganitong powetika? Ano ba ang pinakasentral na pundasyon para mabuo natin itong pinapangarap na “panitikang pambansa” na wala namang nasasagasaan na maliliit na kultura kungsaan isa sana sa nagpatingkad ng pagkakalinlanlan ng ating bansa? Hindi ba’t kapag sinasabi kasi nating “pambansa”, ito’y di hamak na nagma-marginalize naman ng ibang panitikan na nalilinang sa kadulu-duluhan ng Pilipinas gaano man ito kaganda o katangi-tangi?

Hindi ko mahanap ang kasagutan ng mga tanong na iyon. Siguro, may mga bagay lang na mahirap intindihin at hindi kayang tugunan ng sining pampanitikan. Hindi kayang baguhin ng sining o panitikan ang lahat ng bagay. Maaaring makapagmungkahi ang panitikan sa mga isyung pulitikal, pero hanggang doon lang iyon. Nagdadaldal lang ang panitikan, nag-iingay, nangangatok sa pusong tigang. Sa ibang pagkasabi, maaring makapagbigay ng opsiyon ang panitikan sa ating mga desisyon bilang isang bansa na binubuo ng maraming etno-lingguwestikong pangkat. Kapag pinagsanib natin ang pulitika at sining, diyan tayo magkakaproblema, dude.

Kung ano ang totoo sa Kailukuhan, maaring hindi ito totoo sa Kabisayaan. Kung ano ang likas na katangian ng mga katutubo sa hilagang bahagi ng Pilipinas, maaaring iba naman o taliwas ang katangian ng mga katutubo sa Mindanao. Kung gumagamit ng “po” at “opo” ang mga Tagalog bilang tanda ng paggalang, hindi naman ibig sabihin na hindi magalang ang mga Waray at Ilonggo. Noong nagsusulat ako ng kwentong Tagalog, pinatawag ako ng editor dahil masagwa raw ang karakter kong si “Titi Tanting”. Papalitan ko raw ng “Kuya Tanting”. Pangit daw sa pandinig. Ewan.

Sa ibang pagkawika, wala tayong permanenteng lipunan na siyang batayan kung ano ang dapat at ideyal sa pagbuo ng isang pambansang panitikan. Pero may mga bagay na pareho-pareho ang bawat pangkat-ekniko. Mas madali sigurong pag-uusapan ang mga bagay na pare-pareho tayo. Tutal, universal naman ang panitikan. Napakalawak ng range ng manunulat at lalabas at lalabas siya sa kahon na pagsisidlan natin sa kanya.

Siguro, masyadong ideyal naman kung sasabihin kong ang panitikan ay dapat hindi lang pang-Cebu, pang-Pilipinas, o pang-Asya. Tall order masyado iyon, di ba? Kasi kung sasabihin natin na “pambansang panitikan”, nagtitirik naman tayo ng isang makapal na cultural divide sa Pilipinas patungo sa pananaw ng mundo. Mas maganda kung ituring natin ang panitikan bilang dokumento ng ating kolektibong imahinasyon bilang isang hiwalay na kultura na nais makipagkonek sa mundo.

Ako bilang isang manunulat, kapag sumusulat ako, hindi ako nagsusulat bilang isang Pilipino dahil wala naman akong masyadong naintindihan sa political construct na ito. Nagsusulat ako bilang isang Sugboanon at hanggang doon lang ako. Masyadong malawak para sa akin ang “pambansang panitikan”. Nakakalula, nakakalunod. Hindi ko gamay iyan. Dito ako sa maliit kong mundo na mas kabisado ko ang kulay ng bulaklak. Dito ako magsimula sa aking hardin. Ayoko sa malawak na gubat. Mula sa aking hardin, hihintayin ko ang araw tuwing umaga, pakikinggan ang kuligkig, makipagkwentuhan sa dumadaang naglalako ng taho at bagoong. Dito sa hardin kungsaan mas kumportable ako.

Ang kasunod kong tinitingnan, kung ano naman ang karanasang pampanitikan ng mga Ilonggo, mga Tagalog, mga Ilokano, Waray, Aklanon, at iba pa, na mababasa sa kanilang panitikan at sinusuri ko sila sa pamamagitan ng mata ng isang Sugboanon.

Maselang usapin ang ideyang “pambansa”. Pulitikal na usapin ito. Madalas, may kanya-kanya tayong opinyon hinggil dito. Produkto ang ating bansa ng kolonisasyon at kahit wala na ang mga mananakop, nananalaytay pa rin sa hibla ng ating panglipunang moralidad ang epekto nito. Ganito ang pagkasabi ng librong “The Post-Colonial Studies Reader” (Ashcroft, Griffiths, Tiffin, 2006):

All post-colonial societies are still subject in one way or another to overt or subtle forms of neo-colonial domination, and independence has not solved this problem. The development of new élites within independent societies, often buttressed by neo-colonial institutions; the development of internal divisions based on racial, linguistic or religious discriminations; the continuing unequal treatment of indigenous peoples in settler/invader societies— all these testify to the fact that post-colonialism is a continuing process of resistance and reconstruction. This does not imply that post-colonial practices are seamless and homogeneous but indicates the impossibility of dealing with any part of the colonial process without considering its antecedents and consequences.

Kaya dahil dito, naisipan kung idaan sa metapora ang balangkas ng aking papel kungsaan mas kumportable ako. Sa ganitong uri ng diskurso tayo mag-uusap at mangangarap.

Sa mga Bisdak, may tinatawag tayong tagay. Ito’y isang napakagandang tradisyon na namana mula noon pa. Kapag aalukin kita ng tagay, papainumin kita ng alak, ako ang taya. Sa iisang baso tayo tutungga, lasingan, sagaran, hanggang mag-iiba ang kulay ng gabi, maghugis saranggola ang buwan. Magpapalitan tayo ng laway, kumbaga. Ang ibig sabihin nito, ituturing kitang kaibigan kung kakayanin mo. Kapag nandiri ka sa akin, siyempre hindi ka iinom. Sa madaling salita, hindi tayo pwedeng maging kaibigan kasi pinandirian mo ako. Ganoon tayong mga Bisdak. Kapag nakipagkaibigan, sagad hanggang buto.

Oo, sa ganoong metapora ko ilalatag ang papel na ito. Magsasalita ako bilang makata at kwentista dahil dito ako mas epektibo. Sa madaling sabi, sa lente ng sining at sa punto de bista ng pulitika ng isang ordinaryong tao. At sana’y maunawaan ninyo ako.

II. Ang Tradisyon Sa Tagay Ni Noy Tiago

TAGA Ban-aw ako— isang maliit na nayon na matatagpuan sa tuktok ng isang bundok ng bayan ng Tabango, Leyte. Walang pakialam ang nayon namin kung sino ang presidente ng Pilipinas at wala ring pakialam ang presidente ng Pilipinas sa nayon namin. Wala kaming pakialam kung magkano ang litro ng gasolina, hindi parte ng buhay namin iyon. Hanggang ngayon, marami pa rin sa amin ang naniniwala sa kulam. Kulam ang magandang dahilan kapag namatay ka sa sakit dahil karamihan sa taga roon, wala namang pambili ng gamot. Hindi kami nagrereklamo sa gobyerno. Kasi, wala rin naman kaming nakikitang gobyerno. Oo, pwera biro, ultimong meyor sa bayan di namin nakikita noon. Pero tiyak akong si Marcos na ang presidente noong naggreyd wan ako pero nakikita ko lang siya sa poster sa itaas ng pisara at hindi ko alam kung bakit kailangang naroon siya, nakangiti, nakatitig sa aming mga mag-aaral kahalintulad ng mga santo sa kalendaryo na nakapaskil sa altar ng aming maliit ding kapilya. Ganoon lang kami kasimple at kainosete.

Sa aming maliit na nayon noon, nakilala ko ang isang matandang makata. Siya si Noy Tiago. Paika-ika siyang maglakad dahil sa rayuma; tatatlo na nga lang ang kanyang ngipin, kalawangin pa. Pero popular siya sa pagbigkas ng tula. Hindi mo masasabing maningning ang piyesta sa amin kung wala ang pagbigkas ni Noy Tiago ng kanyang mga tula sa entablado. Kapag bumitaw siya ng mga linya, akalain mo’y sinasapian siya ng espiritung galing sa kung saan. Masarap sa tainga, nalulunod ako sa bulusok ng mga imahe ng kanyang mga talinghaga na para bang abrakadabra ng isang salamangka. Titigil ang mga nag-iinuman, titigil ang mga nagsasayawan, titigil ang sabong, kara, at baraha... titigil ang maliit naming mundo sa Ban-aw kapag tumula si Noy Tiago. May kapangyarihan siyang makipag-usap sa buwan, makipagtalo sa bituin, hahamunin ang araw, paghiwa-hiwalayin ang kulay ng bahaghari, makipag-usap sa kawalan, mangarap na gising... Obkurs, dapat lasing siya. Sa tuba yata nanggagaling ang kanyang katikasan sa pagbigkas ng tula.

Lasenggo si Noy Tiago. Sa mga karaniwang araw, sa tubaan at tindahang sari-sari ni Nang Mawling siya naglalagi mula umaga hanggang dapit-hapon. Dahil fans din niya ang mga lasenggo, madalas na nakakalibre siya ng inom. Kapag lasing na, babanat na naman siya ng mga tulang kinagigiliwan ko noon at ng mga kumpare niyang lasenggo. Kaya madalas din akong napapalo ng nanay dahil nahuhuli ako sa pinapabili niyang mantika at toyo. Si Noy Tiago kasi, nakakawili.

Lumaki akong may inaalagaang inggit kay Noy Tiago. Masidhing inggit iyon, Bay. Sa totoo lang, siya ang aking childhood hero sa panitikan. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang kanyang talento. Wala naman siyang pinag-aralan. Marahil, galing sa tuba. Dahil siguro sa ang salitang “alak” ay isang titik lang ang kaibahan sa salitang “balak”. Isang titik lang din ang kaibahan sa salitang “tuba” at “tula”. Pero huwag kang maniwala, pauso ko lang ‘yan. Basta nagtataka lang ako kung bakit kailangan niyang uminom ng tuba bago bumigkas ng tula. Pero hindi ko inalam pa ang dahilan. Basta sigurado ako, sa piling ng tuba, matalim ang pilantik ng kanyang dila at salita, nakakasugat sa damdamin ang latag ng kanyang mga talinghaga.

Sa kanya ako unang namulat sa tula. At siyempre, sa pag-inom ng tuba. Pero aminado ako, hindi ako kasinggaling ni Noy Tiago. Malayo ako sa kuko ng kanyang kalingkingan. Marami pang tuba akong iinumin, marami pang dagat akong tatawirin.

Noong namatay si Noy Tiago, buong nayon ang nagluksa. Namatay rin ang tula sa Ban-aw. Noong taon ding iyon, unang beses kaming nagpiyesta na parang may kulang, walang kabuhay-buhay na para bang ang mga pagkaing nakahain sa mesa ay napakatabang na hindi kayang timplahan ng asin.

Matagal-tagal ding naghilom ang sugat sa dibdib ng Ban-aw. Kung naghilom man, tiyak may pelat itong naiwan. Pero sa paglipas ng panahon, naka-move-on na rin ang Ban-aw. Unti-unti na ring nakalimutan ang ipinamalas na sining ni Noy Tiago na para bang napasama ito sa nasusunog na dayami sa tag-araw. Paminsan-minsan, may nakakaalala sa kanya pero mas nananaig ang pangangailangan na tugunan ang kumakalam na sikmura kaya pinilit na lang ng mga taga roon na ihimlay siya sa limot. Kahit sa sining pala, walang forever.

Siguro ngayon, dala-dala ko pa sa dibdib ang sugat na iyon dahil paminsan-minsan kumakatha pa rin ako ng kuwento at tula na si Noy Tiago ang isinasadiwa. Kung friend tayo sa facebook, pamilyar ka sa aking “Maoy Series.” Mga tulang pag-ibig ito na parang binigkas lang ng isang lasing. Korni rin itong basahin kapag hindi ka lasing.

Sariwa pa sa labi ko ang unang tagay ko ng tuba na pinatikim sa akin ni Noy Tiago. Pinaghalong pakla, pait, at tamis ang tuba. Pero masarap. Kapag sumayad sa lalamunan, makakaramdam ka ng kakaibang init. At pagdatal sa iyong sikmura, kukulo ito at magiging talinghaga. Kapag iniisip ko, parang sangkap ng isang magandang kwento at tula. Nanamnamin mo ang kanyang pinaghalong lasa.

Noong huling dalaw ko sa puntod ni Noy Tiago— taong 2013 yata iyon— halos burado na ang sali-saliwang mga titik sa kahoy na krus sa ulunan ng kanyang libing. Siguro, ako na lang ang may memorya sa kanya. Merong mga mangilan-ngilang kadena de amor na namumulaklak doon na para bang nagbibigay-pugay rin sa makata ng Ban-aw. Siguro, interpretasyon ko na lang iyon. Nag-alay din ako ng isang patak na luha. Oo, aaminin ko, masakit tingnan ang puntod ng isang taong naging alipin ng sining na hindi man lang nabigyan ng desenteng libing. Mas malaki pa yata ang tsansa ni Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani kaysa kalansay ni Noy Tiago na maihimlay kahit man lang sa marupok na nitsong semento. Bakit kaya? Dahil siguro, hindi siya pambansa. Barya-barya lang kasi si Noy Tiago. Barya-barya lang ang Ban-aw.

Saan ko kaya ilalagak si Noy Tiago sa konteksto ng panitikan? Sasabihin ko bang isa siyang pambansang makata gayong sa Ban-aw lang naman umiinog ang sining niya sa pagtula? Kahit pa sabihin kong ang harayang isinasabuhay ko bilang kwentista at makata ay si Noy Tiago ang unang nagpatikim ng unang tagay— ngunit sapat na ba ito para maging tumpak at wasto ang pedestal na paglalagakan ko sa alaala niya? O sapat na kaya na sa tuwing tag-ulan namumulaklak ang mga ligaw na kadena de amor sa kanyang libingan na para bang pilit itinago ng mga bulaklak na iyon ang kanyang kadakilaan sa sining? Sa mas malawak na perspektibo, nabigyan ko ba siya ng pantay na pagtrato kapag binabasa ko ang mga panitikan sa bansang ito na nakasulat sa, sabihin na nating “pambansang wika at Ingles” na madalas pinag-aralan sa loob ng mga unibersidad? Dahil ba Binisayang Sinugboanon ang kanyang wika, ang kanyang likhang sining ay hindi pwedeng sabihing panitikang pambansa? Hindi naman yata tama!

III. Ang mga tanggero at balakero sa Sugbo

NOONG nag-aral ako sa kolehiyo sa Bogo, Cebu (siyudad na ngayon), nakasalamuha ko ang mangilan-ngilang mandirigma sa Panitikang Sugboanon na kasapi ng Kamagas (Kapunongan Sa Mga Magsusulat Sa Amihanang Sugbo). Isa itong underground na samahan ng mga manunulat. Hindi rehistrado, parang mga miyembro ng isang kulto o sindikato ang grupong ito. Karamihan sa mga kasapi nito, kaalyansa rin ng Ludabi (Lubas Sa Dagang Bisaya) na siyang pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat noon. Naging support group ko ang Kamagas dahil ang kolehiyo na pinag-aralan ko, hindi naman ganoon kasigasig ang pagtrato sa panitikan. Ipinamulat sa akin ng Kamagas ang katuturan ng sining pampanitikan na hindi ko narinig sa eskwelahan— ang Panitikang Sugboanon.

Unang pagdalo ko pa lang sa kanilang sesyon sa tagayan, malalim ang naging epekto nito sa akin. Sa madilim na mala-bodegang bahay ni Porsing Luna nagkukuta ang Kamagas. Kapag pumasok ka rito, kailangan mong matutong maglakad sa dilim. Pinaghalong amoy kopra at amoy langsa ang looban dahil sa mga lumang sipi ng Bisaya Magazine, Alimyon, at Bag-ong Suga. Napakasuryal ng pakiramdam. Napakalayo sa silid-aralan ngunit andami kong natututunan sa madilim na sulok na iyon. Parang mga multong nag-pot session ang peg namin. Dito, hindi namin pinag-uusapan sina James Joyce, Ernest Hemingwey, T.S. Eliot, N.V.M Gonzales, Gregorio Brillantes o kaya’y si Manuel Arguilla. Ang pinag-usapan namin dito ay ang “Mameng” ni Vicente Sotto, ang “Mga Bungsod nga Gipangguba” ni Sulpicio Osorio”, ang “Ang Hunsoy Sungsongan Usab” ni Marcel Navarra, ang “Dalagang Pilipinhon” ni Carlos Garcia, ang “Hikalimtan” ni Vicente Ranudo at iba pang mangangatha ng liping Sugboanon. Sa panitikang ito ko natuklasan ang totoong ako. Kapag binabasa ko ang mga akdang ito sa orihinal na wika, may mga hibla ng aking kalamnan na humihigpit, lumalalim ang aking hininga, bumibilis ang pintig ng aking puso, at nagbabanyuhay ang aking kaluluwa. Iyon yata ang sinasabi nilang Cebuano pride na natural sa lahat ng mga Sugboanon. Sa balintataw ng aking pagkatao, daynamiko ang panitikang ito, gumagalaw, kumikinang, hindi istatuwang nakipagtitigan lang sa langit. Sa panitikang ito, nasasalamin ko ang pangarap at adhika ng isang true-blue Sugboanon. Sabi ko sarili, iba ito, Bay! Bisayaa, uy!

Nang pinadalhan ako ni Editor Edgar Godin ng photocopy ng kwento ni Gremer Chan Reyes na may pamagat na “Ang Tawo Nga Nanamin Sa Adlaw Sa Tinagong Dagat,” nawendang ako ng husto sa talas ng kanyang imahinasyon at kontrol niya sa wikang Binisayang Sinugboanon. Narito ang isang bahagi ng kwento na makailang beses kong binasa (at binabasa pa rin hanggang ngayon) dahil ang ispiritu ng eksenang ito ay tagos na tagos sa aking kaluluwa:

Mipahiyom siya. Milantaw siya sa Punta, gitan-aw ang dapdap nga karon namuway sa pulang mga bulak nga nakapadasig ug nakapanindot sa talan-awon sa abohong langit. “Ang pagdumot,” matod niya, “di angayng himoong bakanan diin tukoron ang damgo sa tawo. Malaglagon ang kasilag sa kalinaw ni kinsa man nga nag-itos ug pagdumot sa pagpanimalos. Ako nangita aron ihatag ang nawala.”

“Unsay pangitaon ug ihatag?” Wala ko hisikopi ang kahulogan sa maanindot niyang panultihon.

“Ang gugma…” Giagaw sa huyuhoy ang laghaw niyang tingog. “Ang gugma nga nawala sa kinabuhi sa tawo.”

Wala ko makapamilok nga nagtan-aw kang Emmanuel. Nakita ko ang usa ka tawo kansang kahabog kaindig sa panganod. Gihugtan ko pagkupot ang sepilya sa akong kamot, sa kahadlok siya akong magakos.

“Ang gugma,” mipadayon siya, “maoy tahom butang nga nahawani sa kinabuhi sa kaisog sa tawo. Nawala kini sa liboan ka mga siglo sa iyang kagahapon, nawala karon sa iyang buhilaman ug mawala sa iyang mga ugma diha sa duyan sa iyang mga damgo. Ang tawo nalimot nga ang gugma usa ka gasa sa kinabuhi ug di mahimong puhunan nga kini mapalit ug ikabaligya. Nganong di ta man pahimuslan nga magmabungahon sa kalipay ang mubo tang panahon ning kalibotan. Sama nianang kahoy nga nabuhi sa liki ibabaw sa dakong pangpang, usa ka balak sa katahoman sa kinabuhi.” (Sanggi, 1991)

Nang mabasa ko ang mga linyang ito, hindi ko sukat akalain na kaya palang sulatin ng ganito kaganda ang kwento gamit ang sariling wika. Sa timyas ng prosa ni Reyes, akalain mo’y hinehele ka ng oyayi. Ang pakiramdam ko sa kanyang kwento, umaangat ang talampakan ko sa lupa sa mga parteng naintindihan ko siya. Ngunit mas masarap siyang basahin sa mga parteng hindi ko siya maintindihan. Ewan ko ba.

Kung kwentong umiinog sa dagat ang pinagkaabalahan ni Reyes, mga kwentong lansangan naman ang ipinamalas ni Temistokles Adlawan. Hindi ko makalimutan ang kanyang “Ang Kinilaw ni Sisoy”. Kapag binabasa mo ito, ang masasabi mo lang sa ending, “ngilngiga pagkasuwat, uy!” Damang-dama mo rito ang sarap ng kilawin. Damang-dama mo ang “pagka Bisaya” ng mga karakter. Narito ang ilang bahagi:

May pagkanguhal ang sinultian ni Sisoy kay puno na sad ang iyang baba, sama sa kang Ben, ug unya sama na sad sa kang Cesar. “Di ba nga sa atong pag-apply-apply tungod adtong ilang gibitay-bitayng pahibawo sa mga pultahan sa pensa nga ‘Wanted: 1 Head Carpenter, 2 Assistants for Carpentry & Masonry Works, More laborers’, di ba buot lang ta adtog di dawaton? Total, tua pa may daghang construction sa siyudad? Unya, dagko-dagko pag suhol, may overtime pa usahay?” Nagsugod nag tubig ang ubos sa ilong ni Sisoy tungod sa kahalang sa kinilaw.

“Maayo na man lang unta god dinhi, di tang kagastog plete ug di magkinhangag dagkong bawon labi na sa kuwarta. Sagdi na lag gamay rag suweldo kay sa didto sa siyudad. Anha pa tas atong bay makatu’g kada gabii, naa ang atong asawa makaalima, unya maka— di ba, Bay Sar?” Nagkinamot, sama ni Sisoy ug ni Cesar, sagunson, sama ni Sisoy ug ni Cesar, ang dagko kaayong duom ni Ben sa kan-ong pinong mais usab sama sa kang Sisoy nga linubngan sad sa ginamos-turnos apan lahi sa kang Cesar nga bisan tuog mais sad, pero dagko-dagko man nga sardinas maoy pares. Kada humag hamong sa linumpong gyod nga gutad sa laniw, magpuli-puli silag higop, tinagidyot, sa sabaw sa kinilaw gikan sa gamayng planggana nga dala ni Sisoy gikan sa balay pila ka adlaw gikan sa paghisulod nila sa trabaho, ug gibilin dinhi sa ilang kan-anan-pahuwayanan maudto aron hunawan o hugasan, ginamit ang tubig nga gikawos nila gikan sa gawas sahi sa gibuhat sa ubang trabahador alang sa panginahanglan sa inom og hugas. Ang tubig nga gigamit sa trabaho may pagkatayam man ug lubog.

Unya, samtang way hunong ang ilang inusapay, morag wa say hunong ang ilang hiningosay ug pinugngan nga pagsikma, sa kalami ug sa kahalang sa kinilaw bisan kini dili kaayo tanto. Ipamag-id lang sa bukton sa ilang t-shirt kon unsa may di na gyod kapugngan nga modagayday ubos sa ilong.

Wa pa gani sila makapanghipos sa kinan-an, wa pa matagbawg irag-irag samtang naghanggap sa hutuhot sa kaudtohon nga humot kaayong dagat kay gikan man sa dagat, wa pa sad masipong ang ilang sabot kon manggawas ba kadiyot aron manginom dayon og tuba karon o unya na ba lang hapon, nadungog na nila ang singgit ni Mister Libor didto sa kinta, bunk house niini, gitagsa-tagsa pagtawag ang isigkangalan nila. Nahimong morag sud-ip ang ilang pagpanug-ab sa kabasdak. (Bisaya, Disyembre 9, 1998)

Gustong-gusto kong basahin ang dalawang kwentong ito dahil sa pakiramdam ko, nagniningas ang pagka-Sugboanon ko sa bawat kataga nito. Nakaka-relate ako ng husto. Ang dalawang kwentong ito ay halimbawa ng dalawang uri ng sensibilidad ng Panitikang Sugboanon— ang klasikal at ang street-smart na literary voice.

Siyempre, ang ganoong klaseng panitikan ay hindi ko pwedeng dalhin sa loob ng silid-aralan noon at hindi ko alam kung bakit. Ewan ko lang ngayon. Pero kapag binabasa o pinag-uusapan namin ang mga ito doon sa lungga ng Kamagas, mga malalayang ibon kaming lumilipad sa mga rehiyon na hindi ko matatagpuan sa pahina ng mga aklat na ginagamit namin sa pag-aaral ng mga Panitikang Kanluranin.

Dahil dito, naging masalimuot ang pag-aaral ko sa kolehiyo. Ang sabi ng isang career counselor dahil mahilig daw ako sa sining ng panitikan, mag-e-English Major daw ako. Hindi ko ito maintindihan hanggang ngayon. Bakit walang Panitikang Sugboanon? Wala ba kaming panitikang sarili? Baduy ba ang mga akdang nakasulat sa aming sariling wika? May wika bang mas higit sa isang wika?

Siguro, hindi na ganoon ang kalakaran ngayon, baka nagbago na. Alam n’yo, gusto ko sanang maniwala. Sana. Pero ang hirap paniwalaan. Kagaya ngayon, nagtatagalog ako gayong kumperensiya naman ito ng Panitikang Sugboanon. Dito pa lang, bagsak na ako in substance and in form. Eh, talagang may problema tayo, dude. Nakatuntong ang mga talampakan natin ngayon sa sariling lupa pero para tayong mga bagong lapag na alien sa pagsasalita ng wikang banyaga sa atin. Nakatingkayad tayo, parang takot tayong masayaran ng putik mula sa lupang siyang duyan ng ating kaluluwa bilang mga Sugboanon. Ngunit teka muna, di ba sabi ko ayoko ng pulitika?

Nang naging kawani ako ng Bisaya Magazine, mas nakilala ko pa ng husto ang iba pang mahuhusay na mga manunulat sa wikang kinagisnan— ang mga old guards kagaya nina Ernesto Lariosa, Gumer Rafanan, George Pedralba, Marcelo Geocallo, Cesar Kilaton, Jr., Melquiadito Allego, Urias Almagro, Ricardo Baladjay, Ricardo Patalinjug, Temistokles Adlawan, Butch Bandillo at marami pang iba. Hindi ko nga lubos maisip na darating pala ang panahon na magiging tagapatnugot ako sa iilan sa kanilang mga akda. Napakalaking karangalan na maging pampanitikang editor sa kanila. Mantakin mo, hahawakan ko ang kanilang mga manuskito kungsaan dito isinilang ang kanilang mga obra maestra. Pero tinanggap ko iyon bilang hamon. Iilan lang ang nabigyan ng ganoong opurtunidad.

Di naglaon, umusbong naman ang mas batang mga manunulat na sina Adonis Durado, Noel Tuazon, Januar Yap, Myke Obenieta at Cora Almerino. Ibang tikada naman ang estilo nila. Pinagsama-sama na nila ang mga impluwensiya ng lumadnong karanasan at ng kaisipang akademiko. Naging literary staple pa nga ang mga aklat-panulaan ni Durado kagaya ng kanyang “Dili Tanang Matagak ang Mahagbong” (2008), “Minugbo Alang Sa Mga Mugbo og Kalipay” (2009). Naging huwaran ang kanyang mga tula sa mga kabataang manunulat na nakabase sa mga unibersidad. Naglabas din si Tuazon ng kanyang “Tanang Namilit Sa Hangin” (2010) na kalipunan ng kanyang mga tula. Nailimbag naman ang “Ang Aktibistang Gi-syphillis” (2005) ni Yap na, katulad ng kay Durado, naging babasahin din ng mga kabataang nasa unibersidad. Nailimbag naman ang kalipunan ng mga tula ni Obenieta sa aklat na “Iring-iring Sa Tingbitay Sa Iro” (2005).

Naging salik din ang digital media sa patuloy na paglago ng Panitikang Sugboanon. Naging kanlungan ng mga makatang bihasa at baguhan ang Kabisdak ni Myke Obenieta at Balakista ni Romeo Nicolas Bonsocan. Dati, mayroon pang online worshop na pinamahalaan ni Adonis Durado— ang Kulitog sa Pusod. Sa awa nang Diyos, marami-rami rin ang “nakulitogan” doon.

Sa ngayon, laganap sa mga status sa Facebook at Twitter ang tulang Sugboanon na para bang mas madaling kumatha ng tula kaysa magligpit ng higaan. Pero magandang senyales iyon. Dahil sa social media, nade-democratize ang sining pampanitikan ng mga Sugboanon.

Ang mga karanasang ito ay tinanggap ko bilang karugtong ng mas malawak kong paglalakbay at pagkatuto sa panitikan. Kagaya nang inisyasyon ko kay Noy Tiago, ang karanasang ito ay ihinahalintulad ko sa tagay ng sining na nagnanais idugtong ang napakahabang tradisyon ng tagay ng mga talinghaga ng mga makata at naratibo ng mga kwentistang Sugboanon. Dito ko lubusang naintindihan na talagang dikit sa bituka ng mga manunulat itong literal at piguratibong tagay. Makailang beses nila akong nilasing sa kanilang mga akda na parang tuba sa tamis, asim, at pakla. Masarap mangarap sa piling ng mga salita. Ito marahil ang pinakamagandang benipisyo ng mga mahihilig sa sining ng pagkatha. Kaya siguro may mga taong naging alipin ng sining ng pagkatha lalo na kung ang sandata mong wika ay hinahamon ng makabagong panahon gayong wala namang napapala na pera at pagkilala. Dito ka humuhugot ng lakas. Kumbaga, pinapatibay ang iyong sikmura ng isyung kinasasadlakan ng wikang ginagamit mo sa pagsulat.

Dahil doon, naging inspirasyon ko ang mga nabasa kong panitikan na naisulat sa wikang Sugboanong Binisaya. Kaya inilaan ko ang aking kabataan sa mga bagay na may kinalaman sa panitikan. Wala akong ideya kung nagtagumpay ako. Basta, sige lang ako nang sige. Ginagaya ko lang ang kaparaanan ni Noy Tiago na walang hinahangad kundi ang magpakalasing sa hiwaga ng kwento at tula. Naging romantiko ang pagtingin ko sa panitikan.

Isa pang pangyayari ang nagpatingkad sa aking kamulatan. Dumalo ako sa pagtitipon noong isa si Nyor Ernesto Lariosa ng mga nabigyan ng parangal bilang Pambansang Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Hinding-hindi ko malilimutan ang isang bahagi ng kanyang talumpati noong iginawad sa kanya ang parangal. Ang sabi niya:

“Kaming mga Sugboanon, nagsulat bisan sa kangitngit” (Kaming mga Sugboanon nagsusulat kahit sa karimlan). Parang may tumusok sa puso ko ng marinig iyon. Hindi ko siya masyadong naintindhan noon. Parang propesiya ng isang santo o santilmo ang sambit ni Nyor Erning. Malabo sa akin noon ang ipinapahiwatig ng kanyang talinghaga. May nais siyang iparating sa mga nakikinig sa kanyang talumpati. Bakit sa karimlan kaming mga Sugboanon nagsusulat? Sino-sino ba ang mga nasa liwanag?

Ganito ang komentaryo ng bagong saltang makata na si Leian Jane Haney Rama hinggil sa kalagayan ng Panitikang Sugboanon:

Nahitiurok sa kaugalingong higayon
nga unta kining paglupad magtultol sa pagpauli diha
kanimo, balaang kahoy, sa saag mong pagtagad
Ako nahimong babayeng sal-ing
Nagpalumlom. Nagpabilanggo.

Buot kong masayod ka: diin mang bantawan
ako mag-awit, hibaw-i nga ang bugtong tagubtob
sa imong dughan maoy akong saulogon
sa huni niining pagtaghoy, pagtaghoy, ug pagtaghoy—
Ug sa nagpanon nga kahilom sa akong langit
ako naghangyo, nangaliyupo sa landong mong hingpit…

--(halaw sa “Babayeng Sal-ing” ni Leian Jane Haney Rama, Bisaya, Marso 30, 2016)

Parang isang tratados sa panitikan itong tikada ni Rama. Isang pagsusumamo, isang dasal. Naiiba ito sa karaniwang patulang komentaryo ng mga sinaunang makata (kagaya ng “Liso” ni Ricardo P. Baladjay). Dinadaan ni Rama sa mahinahong paraan, sa taghoy, sa katahimikan ang kanyang pananalinghaga. Nag-aanyong ibon ang makata sa puno ng Panitikang Sugboanon. Gusto niyang lilipad pabalik at hahapon sa sanga ng panitikan kungsaan siya ay lantay at totoo. Gusto niyang ibalik ang sarili mula sa kanyang pagkaligaw. Sana ganito ang pananaw ng lahat ng kabataang Sugboanon.

Isang prosang tula naman ang komentaryo ni Kevin Lagunda. Ang sabi niya:

Gipabarog siya sa lalaking nagbahag ug nagbitbit og pana. “Salamat. Unsa ning lugara? Daghan lagig kalabera?” “Dayon higala sa dakbayan sa mga bukog.” “Ako diay ang Sirkiro sa Pagsabungan. Dili ra ko masaag diri.” “Ang pagkasaag mahitabo kon patakag laag imong hunahuna. Ako pod diay si Kulafu, ang kinaham sa gipangkapoy sa kinabuhi.”

Sa eskina, gasul-ob og trapo ang Propeta nga gadagan-dagan. Iyang mga panagna kanunayng masibya kon siya damanon. Sa umaabot, iyang gitagna mamaligya siya og kamatuoran nga selyado sa usa ka paketeng sigarilyo. Dili kini mahalin, iyang masinghagan ang mga tawong moduol niya: “Wala niy presyo, mga pesteha mo!”

--(halaw sa “Dakbayan sa mga Bukog” ni Kevin Lagunda)

Mikrokosmo ang lunsod sa tula ni Lagunda. Punong-puno ng bungo. Nakakatakot ang kanyang mga imahen. Nag-uusap ang sirkiro at ang lasenggo. Isipin mo na lang na may propetang yari sa basahan ang suot. Pinaghalong multo at pilosopo ang mga tauhan sa tula. Sa madaling sabi, inilalahad ni Lagunda ang kanyang desperasyon sa kontemporanyong panahon. Para sa kanya, kalansay ito. Ang mga katotohanan ay selyado sa pakete ng sigarilyo.

Nanunuya naman si Don Pagusara sa kanyang tula. Ang sabi niya:

saulogon nato kining potaheng
hinukad sa bagulbagol lutoanan
sa atong kaalam ug kakuwanggol

taudtaod na baya natong gilat-an
kining unod nga atong naibgan
labaw kaysa tanang karneng nailhan

kanunay natong gisabwan nga dili
mahubsan sa nagbukal-bukal nga gugma
ug way kaluyang pagbansay-bansay

atong giapongan gisugnoran
atong kaugalingon giulog-ulogan
nga sayon ra kining karneha lutoon

nahimuot tag maayo sa atong katakos
himaya na para nato ang makahigop
sa sabaw sa iyang pagka katingalahan

pero karon namikog atong apapangig
pag-inusap kay hunit pa sa goma
kining gipangga tang langyawng dila.

--(halaw sa “potaheng dila” ni Don Pag-usara, “Qontrapuntal,” 2003)


IV. Kung paano lasapin ang tagay ng tanggerong Bisdak

KUNG bubuklatin natin ang mga pahina sa baul ng kasaysayan— ang Panitikang Sugboanon bilang isa sa mga panitikan sa Pilipinas, hindi naman kaiba sa ibang panitikan dahil sa ating shared history. Kagaya ng ibang panitikan sa Pilipinas, sa mga akdang nakasulat sa wikang ito masasalamin din ng mga mambabasa ang samu’t saring karanasan ng mga Bisdak sa kanilang pagtugon sa hamon ng buhay. Mababasa mo ang pakikibaka ng mga manggagawa sa piyer ng Cebu sa nobelang “Usbon Ko Ang Kalibotan” ni Ricardo Patalinjug. Malayo ang Cebu sa panahon ng Vietnam War pero dahil sa Cebu itinatapon ang mga sundalong Kano na galing sa pakikipagdigma, pinapakita ni Patalinjug ang epekto nito sa damdamin ng Cebu na nasaling sa hidwaang iyon sa pamamagitan ng nobelang “Hawid sa Gabii”. Bihasa si Patalinjug sa mga sosyo-reyalismong naratibo. Halos ganito ang lahat ng mga akda niya mapanobela man, mapaikling kwento, o mapatula.

Narito ang isang parte ng nobelang “Hawid Sa Gabii” at pansinin mo kung paano niya sinipat ang nabanggit kong yugto sa kasaysayan:

Si Carmen mipasiplat sa talad nga nahimutangan sa Negro nga mingaw kaayog dagway.

“I hate war… God knows I hate war…” ang Negro miingon samtang naglantaw sa layo.

“Unsa man god nang negosyohang imong nahunahunaan, Gabs,” sukna ni Carmen. Nangayo siyag bugnawng Coke sa silbidora nga milabay sa ilang talad.

“I hope this dirty war will end soon,” miingon na usab ang Negro sa kusog nga tingog.

Nanghupaw si Gabriel nga nagtan-aw sa Negro. Bisan dinhi sa Pilipinas, ang multo sa gubat sa Vietnam nagpanulay sa mga servicemen, sa iyang hunahuna pa. Ug may uban pa gani siyang nailhan nga naglagataw na lang tungod kay nasayod sila nga ugma tingali dili na sila mabuhi. Ang mahinungdanon kanila mao ang karon… ang karon nga tinuod ug dili urom…

“Yes, suh… I hate war, suh,” ang Negro didto sa atbang nga talad nakigsulti sa gabii nga wa manumbaling kaniya.

Sa genre ng historical novel, tatlong manunulat ang unang sasagi sa isip ko: sina Gremer Chan Reyes, Telesforo Sungkit, Jr. (sagisag-panulat: Anijun Mudan-Udan) at Raul Acas (sagisag-panulat: Justo Virtudazo).

Kasaysayan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa punto de bista ng isang Sugboanon ang isinulat ni Reyes sa nobelang “Ang Ugma Walay Pag-abot.” Mapangahas si Reyes. Isipin mong pitong bolyum iyon at umabot sa labinlimang taong isinulat ni Reyes. Ang sabi niya sa akin, muntikan niyang sunugin ang manuskrito nito dahil sa maraming dahilan: una, tatlong beses siyang nagkasakit at takot siyang mapagawi ito sa makakating kamay; ikalawa, dahil na rin sa kahirapan; ikatlo, dahil sa desperasyon. Lumuwas kasi siya sa Maynila— sa isang kampo-militar— para magsaliksik sa military records na kinakailangan niya para maidugtong ang mga missing links sa kasaysayan na nakalap niya. Ngunit nabigo siya dahil mga libro sa Grade Four ang nakita niya doon. Ngunit salamat at natapos din niya ang nobela na maituturing kong isang achievement ng imahinasyong Sugboanon. Nailimbag iyon ng seryal sa Bisaya Magazine at masasabi kong monyumental ang obrang iyon sa lawak ng narating nito at dahil sa nakapaloob nitong kasaysayan na napakahalaga sa kalinangang Bisdak.

Narito ang patikim sa isang bahagi ng Prologo ng nobela:

Walay ngalan ang minatay. Apan nakatandog sa tanlag sa kalibotan. Dili usa ka ilo kon patayng lawas sa usa ka wa hiilhing sundalo ang buot ilubong sa kalibotan. Dili anak sa gugma. Ang minatay panagway sa kasilag, usa ka haya nga dili mahinol ug makita, usa ka anino sa kahadlok, ang hukom sa kahinayak nga makamugnag pagbasol ug pangamuyo.

Makalilisang ang katalagman sa iyang kabangis. Di maisip ang mga tribung napuhag, dakbayang naugdaw, gingharian ug buhilamang nagun-ob ug naagbon sa nawong sa yuta sa malaglagon niyang kapintas.

Apan kanus-a pa kayha ang tawo makakat-on ug hilamdagan sa kahimatngon nga way maayong moabot sa panglupig, kay unsay maagaw niya sa laing tawo mahawani ra sa iyang kamot. Ang kalaog may iyang tugbang nga kasilag kansang tango sa pagdumot may malanag nga panganti sa panimalos.

Kasaysayan naman ng tribung Higaonon ang kinatha ni Sungkit sa nobelang “Mga Gapnod sa Kamad-an”. Nailathala din ang nobelang ito sa magasing Bisaya. Mitikal at mala-mahika ang kanyang pagkasulat nito na normal lang sa kanilang naratibo ng pangtribu. Kapag binabasa mo, maalala mo ang mga batikang Latino sa tanyag nilang estilo sa panitikan. Masasalamin natin dito sa akda ni Sungkit ang kaalaman ng tribung Higaonon sa larangan ng matematika, pilosopiya, siyensiyang pangkalikasan, at ang pagtatagisan ng moderno at makalumang pamumuhay na naging isyu ng mga sa tribu sa Pilipinas. Mahalaga sa kanila ang sariling kasaysayan sa pamilya. Kapag binasa mo ang genealogy ng angkan ni Agyu, matutuklasan mo kung saan nagmula ang kanilang tribu. Napakatalas ng kaalaman ni Sungkit sa kanilang tribu na isipin mong lahat ng espiritu ng kanilang mga talabusaw ay sumapi sa kanya. Dito, mararamdaman natin ang idinadaing ng kanilang tribu laban pananamantala ng sentro ng kapangyarihan simula noon magpahanggang ngayon— kung paano sinasamantala ng sentrong pamahalaan ang kaalaman ng kanilang tribu para gamitin sa komersiyo. Sumisigaw ang nobela ni Sungkit ng pangayaw laban sa mga mapaniil na puwersa! Na kung tutuusin, siya namang isinisigaw ng desperadong mga Lumad sa Kamindanawan. May isa pang nobela si Sungkit na may pamagat na “Batbat Hi Udan” na may kahalintulad ding paksa.

Sinasama ko si Sungkit sa usaping ito na, bagamat hindi naman siya Bisaya, ngunit nagsusulat siya sa Sinugboanong Binisaya. Pero alam ko, isang true-blue Higaonon si Sungkit sa kanyang isip at diwa.

Kasaysayan naman ng taga Butuan ang isinulat ni Acas sa nobelang “Handag: Lima Ka Degrees.” Umiinog ang istorya ng nobelang ito kung paano nakarating sa Butuan ang mga Cambodian kasama ang kanilang kayamanan. Hinahangaan ko si Acas kung paano niya ginamit ang nobela bilang instrumento sa pagsasalaylay ng kasaysayan. Kahanga-hanga din ang paglikom niya ng mga datos at ang kanyang husay sa pagtagni-tagni ng mga detalye para patunayan ang kanyang pananaw.

Sa isang rebyu ng nobelang iyon, ganito ang nakasulat:

Talagsaon nga pagkahablon ang “Handag: Lima Ka Degrees”. Malamposon niyang nasinamalig pino ang tipik sa kasaysayan natong mga Bisaya lakip na ang relasyon nato sa kanhing mga magpapatigayong langyaw (kon giunsa kita pag-ilad sa mga Insek) linambiyongan sa kulturag tradisyon, mga prinsipyo sa matematikag numerolohiya, arkeyolohiya, pilosopiya, mitolohiya, siyensiya, pamalaod, okulto, pisikal ug espirituwal nga panambal, mga pagtulun-ang biblikal, supernatural elements, gugma, ubp. diha sa usa ka maanindot nga dugokan. (Edgar S. Godin, “Ang Tawo Luyo Sa Nobelang ‘Handag Lima Ka Degrees’", Bisaya, Pebrero 2, 2005)

Bakit ko inilatag ang pampanitikang karanasan na ito? Dahil malinaw na yumayabong ang panitikang Sugboanon sa kanyang sarili, sumubok na maglakbay patungo sa hinaharap, sumubok humakbang sa dako ng liwanag. Habang may mga Reyes, Patalinjug, at Lariosa pang  alagad ng Panitikang Sugboanon, titibok at titibok ang puso ng sining na ito.

Sa ngayon, naging ordinaryo na sa Cebu at Cagayan de Oro ang pagbabasa ng tula sa mga pampublikong lugar na pinangungunahan ng kabataang manunulat at may hilig sa panitikan? Ito’y senyales na hindi patay ang Panitikang Sugboanon. May mga bagong salta na handang mag-alay ng kanilang talino para lalo pang pasiglahin ang sariling panitikan.

Ito’y patunay na marunong ding umibig ang mga Bisdak, marunong mangarap, marunong magalit, marunong umiyak. Buong sangkatauhan naman siguro ang ganyan. At higit sa lahat, hindi kaila na “igat mamalak, bugalbugalon, bugoy, ug bagsik” ang mga Bisdak sa kanilang mga akda. Dito siguro masasabing naiiba ang panitikang Bisdak. Halimbawa na lang ang saga ng kwentong pag-ibig ni Mario Cuezon sa kanyang likhang tauhan na sina Dodong at Perly, dito mo maaaninag ang “pagka bugoy” ng isang Bisdak. Makabago ang mga karakter ni Cuezon na nabubuhay sa makalumang tradisyon tulad ng pamamanhikan, pagpapakasal, at iba pa. Ngunit kung kumana si Cuezon, hindi melodramatiko. Kasama na rin sa hanay ng ganitong estilo ng panulat ang mga akda ni Dionisio Gabriel lalo na sa kwentong “Ang Tigtupo Sa Dalan V. Rama”. Sa kanyang naratibo, makikita mo ang Cebu sa totoong espiritu nito na walang halong pagkukunwari.

Klasikal na wikang Cebuano ang speech register ng mga adka ni Gremer Chan Reyes, Marcel Navarra, Ernesto Lariosa, Marcelo Geocallo, at Lamberto Ceballos. Samantalang street-smart naman ang wikang Cebuano na ginamit ni Tem Adlawan, Januar Yap, Josua Cabrera at iba pang mas batang manunulat at pausbong pa ngayong mga manunulat sa iba’t ibang unibersidad.

Ngayon itatanong natin sa ating mga sarili, saan ba ang direksiyon ng wikang Binisayang Sinugboanon bilang behikulo ng panitikan? Ganito ang sinabi ni Dr. Resil Mojares:

“The Cebuano poet today does not come to a language that is already there, ready to use; he has to recreate it not only out of the rawness of daily speech but summon out of language that which has fallen away from common consciousness and use.” (Cebuano Poetry: Looking Backward, Forward)

Siguro, tumugon sa hamon ang bagong henerasyon ng mga manunulat sa hamon ni Mojares. Ang ibig sabihin nito, umaayon rin pati ang wika na ginagamit ng mga kontemporanyong manunulat sa mabilis na agos ng nagbabagong panahon. Dito, mapapansin natin na hindi mapaghiwa-hiwalay ang wika at panitikan. Sa wika nakaukit ang timyas at hiwaga ng tula, sa matimyas na prosa naman nangungunyapit ang amoy at tamis ng pagsinta.

Nagbabago man ang lasa ng tuba, tuba pa rin ito at galing pa rin ito sa mahiwagang dagta ng niyog o nipa. Sa talas ng karit ng magtutuba, sa kalansing ng kanyang pitlagong, at pait ng kanyang awit at pawis sa umaga’t hapong akyat-pababa sa kanyang tubaan, dito nakasalalay ang lasa ng tuba.

V. Mungkahi ng isang tanggero

HINDI kayang baguhin ng sining-pampanitikan ang ating kasaysayan. Uusok man ang ilong ng mga manunulat, mag-aapoy man ang kanilang mga pahina, dugo man ang kanilang tinta, produkto tayo ng mahabang panahon ng kolonisasyon at ramdam pa rin natin ang bakteryang dulot nito. Kahit isang bansang imbento lamang ang Pilipinas, pipilitin nating magkaroon ito ng saysay, kabuluhan at inspirasyon. Isa itong reyalidad na dapat nating tanggapin. Hindi na natin maaaring baguhin ang kasaysayan.

Hindi natin masisisi ang mga Sugboanong manunulat (at iba pang pangkat sa Pilipinas) na makaramdam ng kirot sa dibdib kapag pambansang pagkakakilanlan ang pinag-usapan lalo na sa panitikan. Madalas, gaano man kaganda ng panitikang naisulat sa katutubong wika, babansagan pa rin itong rehiyunal na panitikan. Siyempre, iba ang lebel ng angas kapag sinasabi mong “rehiyonal” laban sa “pambansa.” Kaya nakatataba ng puso na may mga ganitong pag-uusap. Kahit papaano, nabuksan ang mga pahinang pinupugaran lang ng alikabok na tuluyan na sanang maibaon sa limot. Narito ang ilan sa mga bagay-bagay na, para sa akin, dapat mabigyan ng konsiderasyon:

Una, sana magkaroon ng patakaran ng pagkapantay-pantay sa lahat ng panitikan sa Pilipinas. Sa pag-apply ng mga writing grant, sana pare-pareho ang requirements. Ang alam ko, may mga ganitong hakbang naman. Pero kulang pa rin. Ramdam pa rin ng mga manunulat sa katutubong wika na maliit sila kumpara sa mga manunulat na nakabase sa sentro. Sa Palanca Awards na lang halimbawa, aapat o lilima lang yata ang pumapalakpak sa mga manunulat sa katutubong wika. Ngunit sa mga manunulat ng Ingles at Tagalog/Filipino, sasabog ang buong bulwagan. Ang ibig sabihin, iba ang respetong ibibigay sa iyo kapag Ingles at Filipino ang wikang ginagamit mo sa pagsusulat. Sa mga palihan naman, ang mga Sugboanon na manunulat ay kailangan pang may salin sa Filipino o Ingles ang kanilang akda para ito’y ganap na makasali. Hindi ba’t isa sa mahalagang elemento ng pagsulat ay ang kontrol at kahusayan sa wika? Paano ito ngayon masusukat at mabigyang-puna ng mga panelista at kritiko?

Ikalawa, magkaroon sana ng mas malalimang pag-aaral sa panitikang Sugboanon. Ito’y isang hamon sa mga iskolar, guro, mananaliksik, at kritiko. Mas makatutulong kung nakaugat sa tribu ang mga tagapagpalaganap ng kamalayang pampanitikan. Kumbaga, subukan nating lapirutin ang panitikang Sugboanon sa lente at lagablab ng karanasang Bisdak. Ang mga teyoriya na mabubuo o bubuuin pa ay hango sana sa ating karanasan mismo. Wala lang, eksayted lang ako sa ganitong posibilidad. Sa palagay ko, mas maiintintindihan natin ang ating mga sarili kung nakaugat tayo sa lupa kungsaan dito nagsimulang umusbong ang ating kolektibong kamalayan. Hindi ko sinasabing isantabi natin ang kaalamang pangkritisismo na galing sa ibang sulok ng mundo. Ang ibig ko lang sabihin, baka may mga kaalaman tayong pinagpiyestahan lang ng alikabok dahil mas pinili nating sipatin ang ating panitikan sa mata ng mga Kanluranin. Sa pagkahaba-haba ng ating kasaysayan sa panitikan, siguro nama’y maaari na tayong makabuo ng kongretong pananaw kung paano natin arukin ang ating mga sarili. Sayang naman ang mga pinaghirapan ng mga sinaunang manunulat kung hindi sila mapag-aralan ng totoo sa kanilang pinasok na larang. Hindi masama ang pagkatuto ng ibang kaalaman. Hindi masama ang marunong mag-Ingles. Ngunit mas pulido siguro ang ating pag-unawa sa mundo kung magsimula tayo sa ating mga sarili. Sa mga guro naman nakasalalay ang pagningas ng puso ng kabataan bilang mga Sugboanon, sa kanila nakaatang ang pagkahubog ng kabataang hitik sa imahinasyong mapaglikha.

Pangatlo, mas mabuti kung huwag nang isali sa isyung pulitikal ang panitikan. Ang isyu sa pulitika sa wika ay dapat usapin ng mga lingguwista at hindi ng mga manunulat ng panitikan. Ang mga manunulat, kagaya ng ibang language user, bahagi lang ng isang kultura ng pakikipagtalastasan. Sisikip lang ang ginagalawang espasyo ng mga manunulat sa panitikan kung ibubuhos nila ang lakas at talino sa pakikipagbangayan sa mga bagay na iyan. Bigyan natin sila ng magandang working space bilang mga manggagawa sa kultura. Ako, bilang manunulat, nalulungkot ako kapag naiimbitahan sa ganitong pagtitipon kungsaan kailangan akong magbigay ng isang political statement tungkol sa wikang ginagamit ko sa pagsusulat. Para bang nagtatanong ka sa tandang kung bakit titilaok siya tuwing madaling-araw. Para bang gusto mong ipa-rationalize sa pusa ang kanyang pagngiyaw. Para sa akin, nagsusulat ako sa wikang Binisayang Sinugboanon dahil isa akong Sugboanon at may wika akong pamana ng aking lahi. Sa wikang ito, tumatahan ang aking kaluluwa. Sa wikang ito ako natutong mahimbing sa laylay ng aking ina, sa payo ng aking ama. Sa wikang ito ako nagkadiwa, nagkaisip, nagkamulat. Sa wikang ito nagmula ang pananaw ko sa sarili at sa mundo. At habang ang pangarap ko’y nakaletra sa wikang ito, patuloy ko siyang aalayan ng aking talino. Sa bawat salitang sinusulat ko, mga taong nakakaintindi sa aking wika ang lilitaw sa isip dahil karanasan nila ang una sa lahat. Sila ang tagapakinig ng aking kwento, sila ang anino ng aking tula, dahil kwento at tula nila ang sinusulat at sinasalat ko. Sinusubukan kong ako ang puso nila. Ang hindi nila kayang sabihin, sasabihin ko. Ang hindi nila kayang isipin, iisipin ko. Ang hindi nila kayang damhin, damhin ko. Dito ako mas may malalim na pananagutan— ako bilang representasyon ng aking ginagalawang pamayanan. Naniniwala ako na epektibo kong maisalarawan ang karanasang Sugboanon sa pamamagitan ng lengguwahe kungsaan ang mga karanasang ito nakaugat. At kung may mga taga ibang planeta na interesadong maging bahagi ng karanasang ito, halika, usap tayo at tatagayan kita— anong gusto mong tuba ang pagsaluhan natin? Kinutil, bahalina, bag-ong dawat, lina? Mamili ka, hitik ang karanasang Bisdak sa lasa ng buhay. Ganu’n lang kapayak ang pagkakaintindi ko sa sarili bilang isang manunulat. Siguro, ganoon lang din kasimple ang ideyalismo ng kapwa ko manunulat sa wikang kinagisnan.

Pang-apat, bigyan ng sapat na suporta ng pamahalaan ang mga hakbang na nagnanais mapalago ang iba pang panitikang sa Pilipinas hindi lang sa Binisayang Sinugboanon kundi sa iba pang panitikan. Sa pamamagitan ng pantay na pagtrato at oportunidad, maibsan ang pakiramdam na “marginalized” ang iba pang pangkat-etniko. Kung ano ang ibinibigay sa sentro, dapat ganoon din ang ibinibigay sa dulo. Di ba mas maganda tingnan ang aquarium kapag maraming isda— sari-saring isda, sari-saring ugali, kulay, paniniwala, kredo? Sana ang aquarium na tatawagin nating “Pilipinas” ay hindi lang puro goldfish ang lumalangoy. Oo, totoo na ang nagsu-survive ay yaong mga organismo na mas angkop sa mundo. Pero kailangan nating magkaroon ng iba pang set of beliefs maliban sa survival of the fittest. Hangga’t may naiipit at nasasakal, patuloy ang pagsigaw ng pagkapantay-pantay— mapawika man, mapapulitika, o kaya’y panitikan. Hangga’t isinasantabi natin ang mga salik na ito, magiging malabo ang pagbuo ng minimithing “Panitikang Pambansa”.

Panglima, para sa mga manunulat na Sugboanon: sulatin natin ang ating mga karanasan na higit pa sa lasa ng ating danggit at pusit; mas nakakaakit pa sa nakabitin na puso at umuusok na barbekyu sa Larsian; mas matinis pa sa ating mga gitara sa Mactan; mas nakakakiliti pa ng malamyos na lapirot ng lingam; ang ritmo ay dapat higit pa sa hiyaw at indak ng ating Sinulog; o kaya’y sa lasa ng pintos at budbod-kabog. Subukan din nating langhapin ang mausok na tambutso sa Colon; o kaya’y ang malangsang isda sa Pasil at Carbon. Galingan natin ang pagsulat, Bay. Kapag magaling ka, magaling kang talaga ano mang wika ang ginagamit mo. Ilan lang ba ang gumagamit ng wikang Yiddish? Di ba nasa 1.5 milyon lang? Bakit magaling si Isaac Bashevis Singer? May wika tayong sarili at sapat na iyon para gamitin natin sa pagpapahayag ng ating mga kwento at tula. Handang makinig ang mundo sa atin, kapag magaling tayo.

VI. Paglalagom: huling hirit sa tag-init

DAPAT malinaw sa atin ano ang ibig sabihin ng mga salitang “bansa”, “pambansa”, at “pambansang panitikan.” Ano ba ang tinutukoy ng mga salitang ito? Kung ako ang inyong tatanungin, malabo sa akin ang mga kahulogan nito sa konteksto ng ating kasaysayan.

Kung may mabubuo mang matibay na “panitikang pambansa”, gaya ng ninanais na makamit ng karamihan sa atin, ito’y manggagaling sa maraming kultura sa Pilipinas. Kaya natural lang na mas mainam na pagyamanin natin ang mga pinanggalingan nito. Ngunit, gaya nang paulit-ulit kong sinasabi, mabubuo lang ito kung bukal sa kalooban nating tanggapin na ang Pilipinas ay binubuo ng maraming pangkat-etniko at ito’y may kanya-kanyang pagkakakilanlan. Papairalin muna natin ang pagkapantay-pantay na walang maliit at malaki gaano man kaliit ang pangkat-etnikong iyong kinabibilangan. Kung ang mga manunulat na Sugboanon ay nakaramdam ng pagkasakal sa harap ng pulitikal na diskurso sa wika, paano pa kaya ang mga mas maliliit pang mga tribu na mas kakaunti pa sa mga Sugboanon?

At kung mabuo man ang “pambansang panitikan” na ito, sana huwag nating kalimutan si Noy Tiago at ang kanyang sining. Sigurado ako na may marami pang Noy Tiago sa kanayonan. Tikman din natin ang lasa ng bahalina nila. Mas maganda kung isama din natin sila sa diskurso. Pakinggan din natin sila kung may susunod pang mga pagtitipon. Natitiyak ko na marami tayong kapulutang aral mula sa kanilang talino sa pananalinghaga.

Tagay, mga Kabisdak!--

Sanggi

Sanggi
Antolohiya sa mga mananaog nga Balak ug Sugilanon, gipublikar sa Magsusulat Inc.